Linggo, Setyembre 11, 2016

Poetica Bilang Isa (#1)




Naligaw ako no'ng isang araw.
Malaon ko nang napagtantong
ilang araw na pala akong naliligaw.

Wala akong palatandaan sa tamang daan.
Para bagang disyertong tinatabunan
ng buhangin ang bawat kong hakbang.

Wala ring mapagtanungan.
Walang kaliwa't kanan na maaaring likuan.
Basta't naglakad na lamang ako sa kung saan.

(kinalaunan ko na malalamang lagalag ako sa kawalan)

Nagbaliktad na ko ng damit
Di naman tumuwid ang daan o naging detalyado man lang
Puso ko pala ang bumalikwas --- ang umiiwas.

Hindi lumulubog ang araw.
Hindi rin nawawala ang mga bituin sa kalangitan.
Gaya ng mga hakbang, natatabunan lang sila panandalian

Ng panahon. Ng pag-ikot ng mundo.
Umiikot nga pala ang mundo sa palad Mo.
Saan nga ba ang daan patungo sa'Yo?