“Masisilayan sa mata
ang anumang ninanasang makilala.”
sabi ng matatanda.
Kaya sinubukan kong
pumasok isang umaga
sa lagusan ng ‘yong kaluluwa.
Sa bukana’y natanaw ko
ang kabughawan ng daigdig
Naro’ng kumpol-kumpol
ang tila bulak na mga ulap.
Ninais kong magpadala at
liparin ng hangin sa ‘yong papawirin
at kung tulutan ng mga pilik sa
mata mong hanggahan ng
mga ‘di nakikita ng hubad na paningin,
hawiin itong mga lumalambong
na ulap
sa misteryo ng ‘yong kalawakan.
Ngunit bakit bumubuwelo
pa lang sa paglipad,
nahuhulog na kaagad?
Nasa balintataw mo siguro,
ang grabidad ng mundo.
*balintataw (pupil of the eyes, appearing as black)