Sabado, Hunyo 15, 2019

QUIAPO





Litong-lito pa rin ako sa mga pasikot-sikot sa Quiapo. Mauuna nang mapatid ang pasensya ko kaysa sa tsinelas ko, hindi ko pa rin mahagilap kung saan mabibili iyong espesyal na gamot na nakakapagpalimot daw. Ang sabi ng tiyahin ko, sa may kalye Evangelista raw. Iyong nasa gilid ng simbahan. Tinanong ko kung pa’no ko malalaman kung saan mismo duon, ang sabi niya malalaman ko raw oras na makita ko. Iisa lang daw ang nagtitinda ng pampalimot sa Quiapo. Maraming nagtitinda ng pampalaglag, pangontra sa kulam at usog, mga dahon-dahon na nakakapagpagaling ng matinding sakit ng tiyan. Pero nag-iisa lang daw ang aleng nagbebenta ng pampalimot.

Nagtanong ako sa isang matandang nagtitinda ng santo. Pinagalitan pa ko dahil mas masama pa raw sa pampalaglag ang hinahanap ko. Kasalanan daw ang lumimot. Umalis ako nang hindi kumikibo. Sunod na  pinagtanungan ko ang isang lalaking nagtitinda ng anting-anting. Sabi niya wala raw ganoong gamot. Hindi naman daw sakit ang makaalala. Kaya paanong may gamot na pampalimot?

Inabot ako ng ilang malalim na buntong-hininga, sinabayan ng langit sa pagluha. Hindi ko pa rin mahanap ang nag-iisang ale na makakatulong sa problema ko. Kailangang-kailangan ko iyon. Nahihirapan na kong matulog. At sigurado akong hindi nagsisinungaling ang tiyahin ko tungkol sa pampalimot. Baka sadyang ayaw lang ituro sa akin ng mga tao rito kung saan iyon sa kung anong rason. Baka naiinggit sila? Dahil may lakas ako ng loob na gawin ang bihirang gawin ng ibang tao.
Nakisilong ako sa nagdurugtungang mga payong ng mga nagtitinda ng pamaypay at kandila. Sa alimuom na nilikha ng ulan, humalimuyak ang isang pamilyar na amoy. Naalala kita.

At nakita kita. Nagkatitigan tayo sa pagitan ng mga mukhang walang mukha. Totoo nga ang sabi ng tiyahin ko. Malalaman ko kapag nakita ko.

Tumila ang ulan. Nangibabaw ang amoy ng basang daanan. Hinahanap ko ngayon ang rason kung bakit ako narito sa Quiapo. Umalingawngaw sa isip ko ang boses ng isang lalaki.

Hindi naman sakit ang makaalala.