Martes, Hulyo 9, 2019

Meh


Ilang gabi na kong sumusubok sumulat ng mga tungkol sa ‘yo. Kaya ilang gabi na rin akong bukod sa puyat, bigo. Ilang word document files ng tula, sanaysay, ang naka-save sa laptop ko pero lahat hindi tapos. Lahat hindi concrete ang gustong paksain, kahit alam ko namang ikaw ang gusto kong pag-usapan  sa mga isinusulat ko.

Ngayong gabi, napagtanto kong mali ako. Wala naman talaga akong maisusulat tungkol sa ‘yo, lalo’t ilang beses pa lang tayong lumalabas at nagkakausap. Kapag magkasama naman tayo, halata ko ang pagpili mo sa mga ikukuwento at sasabihin. Kaya wala pa rin akong alam tungkol sa ‘yo maliban sa paborito mong pagkain ang manok (kahit may allergy ka rito) at gaya ng sabi mo noong nakaraan – na reserved kang tao. 

Ang totoo'y may hindi ako maamin sa sarili. Ang totoo'y nahihirapan akong pakitunguhan ang katahimikan mo, lalo kapag ito lang ang kaya mong ibigay. Pero hindi natin utang sa isa't isa ang magpaliwanag. Batid kong nasa estado tayo kung sa'n kailangang ilugar ang mga tanong na hindi pa puwedeng itanong. Kaya sa tuwing ito lang ang pinagsasaluhan natin, naiiwan ako sa hanging nililikha ng kawalan mo ng imik. At kadalasan namang isa lang ang kahulugan ng pananahimik; na hindi ko matukoy kapag sa ‘yo nanggagaling. Hindi ko alam kung pambabalewala ba ito o kawalan ng interes. Pagod? Hindi ko mawari. Nawawala ako sa tuwing naiiwan tayo sa katahimikang pumapagitna sa atin. 

Bago ito sa akin -- ang katahimikan. Kaya hindi ko alam kung paano pakitunguhan ito. Para itong hangin na puwede lamang madama. Katulad ng hindi ito puwedeng kausapin, pero puwedeng pakinggan. Hindi ko lang matiyak kung paano uunawain.

Noong nakaraan, naalala kita sa isang essay na nabasa. Tungkol ito sa katahimikan at pag-iisa. Tinanong siya ng lalaking kinikita niya kung anong sign ng true love para sa kanya. Ang sabi niya, alam niyang true love kapag kaya na nilang manahimik nang magkasama. Hindi naniwala iyong lalaki.

May katahimikan dapat sa pagmamahal. Iyon ang tumatak sa akin. Nakauunawa ng katahimikan ang nagmamahal. Bago ko ‘yon mabasa, nasa bingit ako ng paglayo sa ‘yo. Ang totoo, natakot ako sa katahimikang taglay mo. Natakot ako dahil walang katiyakan sa katahimikan. At dahil tao, takot ako sa mga hindi ko masigurado.

Pero hindi naninigurado ang nagmamahal. Hindi ito praktikal, pero iyon ang kabuluhan ng pag-ibig. Hindi lahat matitiyak. Hindi laging maliwanag. Hindi laging naghahanap ng paliwanag.

Bago sa akin itong mga nangyayari sa atin. Mangangapa ako, pero pipilitin kong kilalanin – ikaw, at ang mga paliwanag mong sa katahimikan ko lamang maririnig.