Biyernes, Hulyo 14, 2017

Si Enzo at ang Nawala Kong Bisekleta





Nasa trayk pa lang ang pisikal kong existence pero ang isip ko, nahahati sa dalawa: Iyong isa, nasa bahay na, iyong isa, naiwan sa bicycle parking ng SM North EDSA. Hindi ko na nadatnan kahit kadena man lang ng bike ko pagdating ko sa mall ng mga walang paglagyan ng pera kahit wala pang sahod. Natuluyan na nga. No'ng una, stand at bell lang ang pinagdiskitahan. Napatawad ko. Sunod naman, 'yong seat post, sinubukang kahuyin. Bigo. Ngayon, 'yong buong bike na pati kadena. Tumaas na yata presyo ng rugby at solvent kaya pinagsumikapan ng mga hayp na 'yon ang bike kong katuwang ko sa pagpasok. Laki ng natitipid ko dahil do'n. Pagkamahal-mahal ng trayk dito sa amin.

Siguro sa sobrang pagod ko, hindi ko na nakuhang magmura kanina kahit sa isip ko lang. Ni ayaw ko na nga sanang i-report o ano. Gusto ko na lang umuwi. Sobra-sobra na kung pati pag-iisip sa mga hayp na 'yon e gagawin ko pa. Pero matapos kong i-report, napadaan ako sa gilid ng KFC na tapat ng traysikelan at nakita ko 'tong batang ito --- si Enzo. Dinaanan ko lang siya no'ng una. Marami naman kasi talagang mga batang nagtitinda ng sampaguita sa may SM. Araw-araw 'yan hanggang gabi. Itong si Enzo ang unang batang kinausap ko sa kanila. Nakauniporme pa kasi siya. May dalang aklat (sa Filipino pa ha) at notebook na may sulat. Ito ang pinakaunang beses kong bibili ng sampaguita. Tinanong ko siya kung magkano. Umupo ako sa tabi niya. Bente raw isa. Ayoko talagang bumili kasi naniniwala akong habang kumikita ang mga ganitong bata sa pagbebenta araw-araw, lalo lang silang itutulak ng mga magulang nila na itinulak naman ng kahirapan sa sitwasyong ganito -- Child Labor. Karaniwang hindi sila nakakapag-aral dahil isinabak na ng magulang sa pagtitinda, pero si Enzo, dumiretso sa mall ng mga mahilig sa sale pagkagaling sa eskuwela. Alas dose raw ang tapos ng klase niya. Pagkatapos no'n, uuwi siya sa bahay nila para kumuha ng sampaguita na ginagawa ng ina. Inang 'yan. Tinanong ko kung kumikita naman ba sila. Oo raw. Pambaon araw-araw. Nasaan si papa mo? Tanong ko. Nag-aayos at naglilinis daw ng bahay nila dahil lubog na sa baha. Sa may ilalim pala sila ng tulay nakatira. Doon sa tulay ng Congressional Road malapit sa SNR, na grocery naman ng mga mahilig sa imported. Hindi ko na naitanong kung bakit siya nagbabasa at nagbubuklat ng notebook niya. Ni hindi ko nga rin alam kung maniniwala akong sulat niya iyong nasa ilang pahina. Bolpen kasi ang gamit. Ayoko na ring maging mapanuri at husgahan kung panibagong modus ba ito ng mga vendors at mga sindikato para mas makabenta ang mga bata nila. Ayoko na ring isipin pa kung totoo ang lahat ng napag-usapan namin. Isa lang ang gusto kong paniwalaan, lumalaban si Enzo para sa sarili niya. Lumalaban siya para hindi dumating ang araw na kailanganin niyang magnakaw ng bisikleta ng kung sino para may ipangtustos sa pangangailangan niya at ng kanyang pamilya.

Tinanong ko siya kung hanggang anong oras siya nagbebenta ng sampaguita. Alas dose raw ng hatinggabi siya lagi umuuwi. Umalis na ko pagkaabot niya ng tinda niya. Nahihiya na ko dahil may mga tumitingin na sa amin. Pero hinatak ako pabalik ng kung ano, no'ng medyo makalayo ako. Gusto ko siyang kuhaan ng litrato. Ipo-post ko sa FB hindi para sa likes, kasi gaya ng sabi ko sa kanya, inspirasyon siya ng mga makakakita sa pagsisikap niya. Sabi ko bago ulit magpaalam, huwag siyang titigil sa pag-aaral. Huwag na huwag. Hindi ko ipinaliwanag kung bakit. Sigurado akong alam naman niya. May nakita akong munting kislap sa mga mata niya nang sabihin kong titser ako. Sana lang alam ng mga guro niya kung anong sitwasyon ang mayroon siya. At sana, mabasa ito ng mga estudyante ko lalo na ng mga napagalitan ko noong nakaraan. Mga batang takot sa pagsubok. Sa mga hamon ng pagbabago. Mga batang inilalapit ko kay Basilio at Isagani ng El Fili. Sana mapagtanto nila, kung titingnan nila sa mas malawak na lente ang mundo, na napakapalad nila sa buhay. Na kung itutuon nila ang sarili sa mga mas mahalagang at makabuluhang mga bagay, matulungan nila balang araw ang mga tulad ni Enzo. Malay natin, baka isa pa sa mga tulad ni Enzo ang makadiskubre ng parallel na uniberso. At makagamot sa kanser ng lipunang ito.

Higit sa lahat, para hindi na ako manakawan ulit ng bike.


*Nawalan ako ng bike, pero nakatagpo naman ako ng panibagong dahilan para pumasok at magturo araw-araw.* Ows?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento