Sabado, Nobyembre 18, 2017

IDOL


"Idol!"

Habang nakapila sa blue basket lane ng Savemore dala-dala ang isang box ng Kojic at isang balot ng yakult, narinig ko ang paos na boses ng lalakeng kanina ko pa iniiwasan ang tingin. Alam ko kasing makikilala niya ko. Alas nuwebe na, iniisip ko sanang lumipat ng pila pero puno ang ibang lane. Ayoko kasi sana talagang makausap siya.

****
Karaniwan akong mas matangkad sa mga kaklase ko noon sa elementarya, (maniwala kayo. pero huwag na natin pag-usapan kung anong nangyari sa height ko ngayon.) kaya bihirang-bihira akong ma-bully noon. Sa katunayan, ako pa ang madalas magyaya ng suntukan pagkatapos ng klase. Hinding-hindi ko malilimutan ang maliit na lalaking ito. Mas kayumanggi siya sa akin at hanggang balikat ko lang siya. Maayos siyang manamit. Plantsado ang uniporme at laging may gel ang buhok. Kahit maliit siya, brusko pa rin ang datingan. Kaya hinding-hindi ko siya malimot-limutan, e dahil sa kanya ako nagkamaling maghamon ng suntukan. Nakaaway ko ang tropa niya noon. Noong uso pa ang "abangan kita sa labas ga*o!" na pamantayan ng henerasyon namin ng pagkalalaki at "requirement" para magkaroon ka ng barkada -- kailangan handa ka lagi sa banatan. Kaya nang sumigaw ako ng "hoy, suntukan tayo sa labas!" noon sa pila bago ang Friday Retreat na siyang pabitin sa uwian, itong lalaking ito ang sumagot. At dahil hindi naman sila kalakihan, hindi ako natakot. May code of honor kahit kaming mga basagulero noon na kapag mag-isa lang, bawal pagtulungan. Pride baga. Nagkita kami isang kanto sa labas ng gate para walang umawat na guwardiya pero itong lalaking ito na hanggang balikat ko lang ang unang nakapagpanginig sa tuhod ko. Sinisipa-sipa niya ang bag ko pero wala akong ginawa. Naglakad lang ako palayo. Minumura-mura niya ko pero hinayaan ko lang siya. Walang ginagawa 'yong dalawa niyang kasama. Hindi ako takot duon sa dalawa, handa ang angas kong makipagbugbugan sa kanila. Pero tila nagbigay pugay naman ako sa wala pang limang talampakan na pandak na 'to nang sinabi niyang "Hindi ka naman pala papalag eh. O apir na!" Para akong nabunutan ng tinik. Mula no'n, nalaman kong puwede mo pala talagang maramdaman ang respeto, takot at galit sa iisang tao. Pagkatapos no'n, para akong mangmang na naghangad na sana hindi ko siya maging kaklase sa high school o kung suswertehin, sana hindi siya mag-aral sa high school na papasukan ko. Pero hangal nga akong naghangad ng bagay na 'yon gayong iisa lang naman ang pinakamalapit at pinakamalaking high school na pinapasukan ng mga tagasaamin.

Narinig ko ang boses niya sa pila. Batchmate ko 'to ah ang sabi niya. Hindi ako lumingon. Agad. Tatlo lang naman kami sa counter. Iyong kahera, ako na hiyang-hiya at siya na tinawag akong 'Idol'. Sana nga nag-a-assume lang ako na ako ang tinatawag niya. Pero ako talaga. Saklap.

****
3rd year high school ako nang matuto at maadik sa Dota. Hindi nawawala sa mga kuwento't boka ko ang mga masasayang alaala ko noong nasa ikatlong taon ako ng high school. Bukod sa ito ang una't huling beses kong mapabilang sa star section, dito ko nakilala ang mga kaibigan sa walang hanggan.
Hapon ang simula ng klase pero maaga akong umaalis ng bahay dala ang ipon ko para lang makapagdota. Basagulero noong elementarya, bulakbol noong high school. Dito ko muling nakabakbakan itong pandak na 'to na pinakainiiwas-iwasan ko. Pinagkaiba, sa Dota na kami magpapatayan. Pero sanhi rin ng suntukan ang larong 'yan. Nauso ang tawagang 'Idol' sa mga nagdodota. Dalawa lang ang rason, bobo at magaling sa laro. Natatawag din kaming 'Idol' ng mga kaklase ko noon kahit na bumubuo kami ng tatlong Power Treads para 'ka ko bumilis ang takbo (ang ibig sabihin ko rito, bagito pa kami sa Dota.) Pero Idol ang tawag sa amin kasi may pagka-nerdy raw kami at palaaral dahil nga nasa star section kami. Kinalaunan, naging batak din kami sa pagdodota at nakalaban ang mga naghahari-harian sa comshop na palagi naming tinatambayan. Ngunit kahit sa Dota, ayoko pa rin siyang makaengkuwentro. Hindi ko alam kung naalala niya pa ang "mercy high five" niya sa akin noon. Basta ang alam ko, dala ko pa rin ang respeto, takot at galit ko sa kanya. Siya ang gulo na ayaw kong kasangkutan. Kahit na mas matangkad pa rin ako nang di hamak sa kanya.

****
Nasa kalagitnaan ako ng unang taon ko ng pagtuturo nang kawayan niya ko sa supermarket sa may SM San Mateo. Hindi ko siya agad namukhaan. Nasa isang stall siya ng kainan. Naalala kong kumaway siya sa akin habang nakalabas ang mapuputi at pantay niyang mga ngipin. Hindi naman talaga siya mukhang basagulero o manggagantso. Lalo na noong nakita ko siyang naka-apron at masayang-masaya sa ginagawa niya. Alam at napansin ko 'yon nang matapos kong kumaway at patuloy na naglakad, tumingin akong muli sa mukha niyang walang bahid ng kapaitan sa trabahong pinapasukan niya: kontraktuwal, pansamantala, nakakasaid ng pasensya at sa huli'y walang ipon dahil sa palakad ng napakalaking kumpanyang ginagatasan lang siya ng lakas at kabataan. Pero hindi ko 'yon nakita sa mukha niya. Maaliwalas siyang ngumingiti at nakikipag-usap sa mga customer na para bang kauumpisa pa lang ng araw niya. Mula noon, dalawang bagay na lang ang nararamdaman ko para sa kanya.

"Uy Idol!" sabay abot ng kamao. Sa pagkakataong 'to, hindi niya ko susuntukin. Nakipagsangga siya ng kamao tanda ng pagkilala niya sa kung anumang nabuo naming samahan kahit wala naman talaga kaming napag-usapan sa buong buhay naming pagiging magkakilala lang. Kinumusta niya ako. Tinanong kung anong trabaho. Ang sabi ko titser na. Nakita kong napatingin siya sa sahig. Nag-umpisa siyang tawagin akong Ser. Sabi ko hindi, huwag. Nabanggit ko ring napalipat kami ng bahay dahil nagka-road widening sa Batasan. Natanong ko sa kanya kung bakit siya nalipat dito sa may Savemore Roosevelt gayong malayo ito kumpara sa SM San Mateo. Gano'n daw talaga ang buhay sabi niya, pero bakas pa rin sa kanya ang kasiglahan. Alam ko ito dahil una ko siyang nakita bago niya ko makilala kaya alam kong kanina pa siya patakbo-takbo't pabalik-balik sa blue basket lane nang hindi man lang nalalaglag ang ngiti niya sa mga kaherang halata na sa mukha ang pananakit ng binte.

Nakayuko ako bago niya ako tawagin. Iniiwasan ko pa rin siya hanggang ngayon. Pero hindi dahil sa takot o galit. Iyon ay dahil kung anong suklam at takot ang naramdaman ko sa kanya noon, napalitan 'yon ng mataas kong respeto at matinding hiya ko sa kanya ngayon. Nahihiya. Siguro dahil ayokong isipin niyang nakatataas ako sa kanya dahil lang sa nakatapos ako. Ayokong magdamdam siya't araw-araw niyang pagsisihan ang hindi pagseseryoso sa pag-aaral. Siguro iyon. Pero ang isang sigurado ako, nahihiya ako sa kanya dahil may mga pagkakataong hindi ako makapag-alok o makapag-alay ng ngiting gaya ng sa kanya sa mga taong nakakasama ko sa trabaho at buhay. Na para bang, kahit mas nakakapagod ang ginagawa niya, buo pa rin ang loob at etiketa niya hanggang gabi. Samantalang ako, kung minsan, hindi na nakakausap pag-uwi. Nahihiya, siguro dahil sa kakayahan niyang maging masaya kahit na hindi kalakihan ang sahod na siya namang tindi na dulot ng pagod. Nahihiya, dahil kung ako may natapos, siya may natutunan. Nahihiya, dahil alam kong maipapamukha sa akin ng taglay niyang aliwalas ang kakapalan ng mukha ko. Nahihiya dahil iyong angas niya noon, pinaganda at dinala niya ngayon. Ako, iyong angas noon, bangas na lang ngayon. Nahihiya, na kahit mas matangkad pa rin ako sa kanya, kumikita nang mas malaki, di hamak na mas malaki naman ang puso niya.

Nahihiya, dahil -- bakit hindi?

Lumabas ako ng Savemore. Tumungga ng dalawang Yakult. Hindi niya lang alam, ako talaga ang umiidolo sa kanya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento