Sabado, Nobyembre 18, 2017

TULA: Ang Kuwento ng Isang Barbero




Masusubukan ang talim ng kanyang razor,
ng trim cutter
at gunting
ngayong Linggong
may pila-pilang magpapakalbo.
Masusubukan din ang kalidad
ng kanyang gupit
ang tuwid niyang pag-aahit
at higit sa ano pa man,
ang nakaaaliw niyang mga kuwento
bilang kaisa-isang barbero
sa kanto ng kanilang baryo.

‘Di problema kung mangalay ang paa,
o manlabo ang mga mata.
Ang tanging kaba niya
ay kung wala nang mahugot na istorya
sa tool box o drawer.
Buti sana’y kung tulad ito
ng kanyang mga gunting
na puwedeng hasain
kung pumupurol.
Subalit isang mahabang kuwento
kabaligtaran ng epiko
at di kuwentong barbero
ang kanyang ikabubulol.

Sa isang ‘di malayong pagitan
Ng hinaharap at nakaraan.

Pinunasan niya ang talim ng razor,
ngipin ng suklay
at dalawang talim ng kamay
ng gunting niyang tumabas na
ng bilyong-bilyong buhok.

Umiiral ang isang utopia
(sa paningin ng ginayumang masa)
kung sa’n nagiging nasyon
ng mga inang naghihintay sa anak
Mga amang may supling na yayakap
sa mga bangkay na kinukumutan
ng karatula’t mga babala.





Umugong ang makina ng razor.
Unti-unting inilalantad
sa marahan nitong paglakad
ang anit sa likod ng sintido.


Ang pagtakbo ay panlalaban
Ang pagtangis ay hudyat
at deklasyon ng digmaan.
Kahit pa walang armas.
Kahit pa walang tikas o lakas
Para pumalag
o umilag man lang.

Anong kilos man ang gawin
Iisang wakas ang naghihintay:
Bukas sa isang kanto,
may bangkay na hahandusay.


Itinutugma niya ang bawat kanto
sa hugis ng mukha ng binatilyo.
Uno sa likod at dalawang gilid
At kaunting bawas sa tuktok ng ulo.


Sa pagdating ng midya
kasunod ng sumasagitsit na ambulansya
hindi agad makikilala
ang bungong tinudla ng bala.
Saksi ang namumuong madla
Bata, matanda.
Sa mga buhok na pinagdidikit
ng natutuyong mga dugo
na tinutuyo rin
ng kalsadang sementado.
Habang sariwa sa pagbuhos ang mga luha –
Nagtataka kung bakit sila umaagos.
Mga luhang kung magsasama-sama
ay lulunod sa madilim na eksena.


Masinsin niyang aahitin ang patilya.
Bahagya siyang lalayo-layo.
Tinatantya’t sinusukat
Ang nipis na dapat antabayanan
Ang kapal na dapat pang bawasan.




Makararating ang balita --
walang mahuhuli.
Lalong-lalo sa mga kuro-kuro.
Magtatalo-talo ang mga tao
Kung bakit dapat ang hindi dapat
Kung bakit tama ang hindi tama
Sa mga paningin nila --
Ng ginayumang masa.


Kagaya ng nakagawian
Susuklayin niya patungo sa kanan
Ang buhok na naambunan
Ng tubig mula sa botelyang pangwisik.
“Sa kabilang gilid po, manong!”
Sabi ng binatilyo.
Karaniwan sa tao ang ‘di umimik
Tuwing may alaalang nanunumbalik.

Magkasinglalim ang kanyang paghinga
At kinimkim niyang gunita.
Ang huling paghagod ng kamay
niya mula noo hanggang tuktok.
Pagsuklay niya pakaliwa sa buhok,
o ang huling gupit na inalay niya sa anak.
Bago barilin ng isang parak.
Anak na marami sanang balak.
Sa buhay. Ang mabuhay.


Magle-labor sa kaeeksplika
Ang mga lider ng bansa.
Iluluwal ang mga paliwanag
sa telebisyon at iba pang midya.
Mag-aanak ng mga pagdepensa
para sa mga berdugong
hayok sa tunog ng bala
at amoy ng pulbura.

Bakit mo nga naman ipagkakanulo
Ang sarili mong laman at dugo?


Sa pagpapagpag ng buhok
pagpupupog ng pulbos
at masahe matatapos
ang isang matagumpay na gupit.




Magtatagal ang isyu.
Subalit lilipas. (Ngunit ‘di ang anumang sugat)
Masisibak ang kung sino-sino
para makuntento ang mga tao
kahit papaano (kagaguhan ito)
Ngunit walang mahuhuli,
makukulong,
na kahit sinong pilato.


Tatanggalin ang sipit sa likod ng batok
na nagdirikit sa saping pumoprotekta
sa uniporme ng binatang
kagagaling lang sa eskuwela.
Binatang nakalista ang pangalan
sa mga magtatapos kinabukasan
sa isang mataas na paaralan.

Huwag lang magpapagabi sa daan.
Baka mapagbintangan
at mabasa kinabukasan
ang pangalan sa isang listahan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento