Masusubukan ang talim
ng kanyang razor,
ng trim cutter
at gunting
ngayong Linggong
may pila-pilang
magpapakalbo.
Masusubukan din ang
kalidad
ng kanyang gupit
ang tuwid niyang
pag-aahit
at higit sa ano pa
man,
ang nakaaaliw niyang
mga kuwento
bilang kaisa-isang
barbero
sa kanto ng kanilang
baryo.
‘Di problema kung
mangalay ang paa,
o manlabo ang mga
mata.
Ang tanging kaba niya
ay kung wala nang mahugot
na istorya
sa tool box o drawer.
Buti sana’y kung
tulad ito
ng kanyang mga
gunting
na puwedeng hasain
kung pumupurol.
Subalit isang
mahabang kuwento
kabaligtaran ng epiko
at di kuwentong
barbero
ang kanyang
ikabubulol.
Sa
isang ‘di malayong pagitan
Ng
hinaharap at nakaraan.
Pinunasan niya ang
talim ng razor,
ngipin ng suklay
at dalawang talim ng
kamay
ng gunting niyang
tumabas na
ng bilyong-bilyong
buhok.
Umiiral
ang isang utopia
(sa paningin ng ginayumang masa)
kung
sa’n nagiging nasyon
ng
mga inang naghihintay sa anak
Mga
amang may supling na yayakap
sa
mga bangkay na kinukumutan
ng
karatula’t mga babala.
Umugong ang makina ng
razor.
Unti-unting inilalantad
sa marahan nitong
paglakad
ang anit sa likod ng
sintido.
Ang
pagtakbo ay panlalaban
Ang
pagtangis ay hudyat
at
deklasyon ng digmaan.
Kahit
pa walang armas.
Kahit
pa walang tikas o lakas
Para
pumalag
o
umilag man lang.
Anong
kilos man ang gawin
Iisang
wakas ang naghihintay:
Bukas sa isang kanto,
may bangkay na hahandusay.
Itinutugma niya ang bawat
kanto
sa hugis ng mukha ng
binatilyo.
Uno sa likod at
dalawang gilid
At kaunting bawas sa
tuktok ng ulo.
Sa
pagdating ng midya
kasunod
ng sumasagitsit na ambulansya
hindi
agad makikilala
ang
bungong tinudla ng bala.
Saksi
ang namumuong madla
Bata,
matanda.
Sa
mga buhok na pinagdidikit
ng
natutuyong mga dugo
na
tinutuyo rin
ng
kalsadang sementado.
Habang
sariwa sa pagbuhos ang mga luha –
Nagtataka
kung bakit sila umaagos.
Mga
luhang kung magsasama-sama
ay
lulunod sa madilim na eksena.
Masinsin niyang
aahitin ang patilya.
Bahagya siyang
lalayo-layo.
Tinatantya’t
sinusukat
Ang nipis na dapat
antabayanan
Ang kapal na dapat
pang bawasan.
Makararating
ang balita --
walang
mahuhuli.
Lalong-lalo
sa mga kuro-kuro.
Magtatalo-talo
ang mga tao
Kung
bakit dapat ang hindi dapat
Kung
bakit tama ang hindi tama
Sa
mga paningin nila --
Ng
ginayumang masa.
Kagaya ng nakagawian
Susuklayin niya
patungo sa kanan
Ang buhok na
naambunan
Ng tubig mula sa
botelyang pangwisik.
“Sa kabilang gilid
po, manong!”
Sabi ng binatilyo.
Karaniwan sa tao ang
‘di umimik
Tuwing may alaalang
nanunumbalik.
Magkasinglalim ang
kanyang paghinga
At kinimkim niyang
gunita.
Ang huling paghagod
ng kamay
niya mula noo
hanggang tuktok.
Pagsuklay niya pakaliwa
sa buhok,
o ang huling gupit na
inalay niya sa anak.
Bago barilin ng isang
parak.
Anak na marami sanang
balak.
Sa buhay. Ang
mabuhay.
Magle-labor
sa kaeeksplika
Ang
mga lider ng bansa.
Iluluwal
ang mga paliwanag
sa
telebisyon at iba pang midya.
Mag-aanak
ng mga pagdepensa
para
sa mga berdugong
hayok
sa tunog ng bala
at
amoy ng pulbura.
Bakit
mo nga naman ipagkakanulo
Ang
sarili mong laman at dugo?
Sa pagpapagpag ng
buhok
pagpupupog ng pulbos
at masahe matatapos
ang isang matagumpay
na gupit.
Magtatagal
ang isyu.
Subalit
lilipas. (Ngunit ‘di ang anumang sugat)
Masisibak
ang kung sino-sino
para
makuntento ang mga tao
kahit
papaano (kagaguhan ito)
Ngunit
walang mahuhuli,
makukulong,
na
kahit sinong pilato.
Tatanggalin ang sipit
sa likod ng batok
na nagdirikit sa
saping pumoprotekta
sa uniporme ng
binatang
kagagaling lang sa
eskuwela.
Binatang nakalista
ang pangalan
sa mga magtatapos
kinabukasan
sa isang mataas na
paaralan.
Huwag lang
magpapagabi sa daan.
Baka mapagbintangan
at mabasa kinabukasan
ang pangalan sa isang listahan.
Baka mapagbintangan
at mabasa kinabukasan
ang pangalan sa isang listahan.