Sabado, Hulyo 30, 2016

A Piece of Shit: O Kung Bakit Deserving Tayo sa mga Shit ng Bookstores at Sinehan


"What did we do to deserve this?!"

Reklamo ng isang Facebook-er matapos malamang gagawing movie ang "Vince and Kath" na mula sa pagiging trending na kuwento sa Facebook ay ginawa pang printed shits (not sheets) of paper na mabibili ngayon sa mga suking tindahan ng kakornihan at ehem, sorry, kababawan. Usapin pa ba 'to ng kapitalismo? Mukhang hindi na e. Nakakabuwelo at mas lumalakas ang loob ng mga kapitalista dahil sa mga bobong consumer. Palagi pa rin kasi tayong nadadala sa mga "benta" nila. Kaya, para mabigyang sagot ang tanong na 'yan, ito ang ilan sa mga dahilan:


 "Ang Paborito natin: Romantisismo = Forever"

Pumunta ka sa mga bookstore at tumingin sa shelf ng Philippine Literature, magkakaiba ang mga cover pages ng mga libro pero tanggalin mo lahat at ihanay mo isa-isa, pare-pareho lang ng laman --- puro pag-ibig. Oooops, di ko sinasabing pangit na content ang pag-ibig. Pero sinasabi kong paulit-ulit nang paksa ang love na may iisang tema; boy meets girl, mayaman si girl, kumakain ng pako si boy. 'yong papa ni boy ex-gf ang mommy ni girl. Paulit-ulit na shit. At anong aasahan mo rito? Edi shit na ending. Shit na plot. Shit ang idea e. Edi shit! Ewan ko ba kung bakit hindi na tayo napurga sa mga ganitong plot ng kuwento na may nakakapagtaeng conflict. Naniniwala akong naisulat na ang lahat ng paksa sa mundo ng literatura, pero ano ang bagong hain ng mga writer sa atin? E tayo rin naman ang may kasalanan e. Hinahainan tayo ng bago, hindi naman natin tinitikman. Hindi tayo ililigtas ng pagiging romanticist natin. Isa lang 'yang escapismo.

"Tayo ang pumipili ng chibog na gusto natin."

Ilang beses na ba tayong nagoyo ng mga fast food sa mga binebenta nilang pagkain? 'yon bang malaki sa picture ang manok pero pagdating sa plato parang nilagnat at nangayayat? Nagagalit tayo sa una pero bumabalik at bumibili pa rin tayo ng parehong produkto/pagkain. Gano'n din tayo mamili ng pinanonood/binabasa natin. Malaman lang ng sambayanang jejemon na ang bida ay si Maine Mendoza (mahal ko pa buhay ko) Julia/Nadine/Kathryn/Enrique/Daniel/James etcetera pare-pareho lang naman sila ng gusto kong tukuyin --- mga mukha, pinipilahan agad. 'yong mga nagreklamo sa She's Dating the Gangster ay 'yong mga nanuod din ng Diary ng Panget at tiyak na nagreklamo rin pero panunuorin pa rin itong Vince and Kath na ito. Ito na yata ang Golden Age ng hay, kabobohan ng mga kabataan? Hindi siguro. Hybrid ng Golden Age ng kababawan at kabobohan na lang.

"Makasarili tayo. Period."

Gusto kasi natin, palaging maiugnay ang sarili sa mga binabasa at pinanunuod natin. Masisisi ba natin ang mga writer? Hmm. Hindi lahat. Pero sige. Sisihin natin si Marcelo sa mga akda niya. Sisihin natin siya sa "Para sa Brokenhearted" niya. Pero mas dapat sisihin ang milyon-milyong kabataang nagbasa ng mga libro niyang naging best seller sa NBS. Itong kabataang ito na walang ibang inisip kundi feelings at puso nila. Itong kabataang 12 years old pa lang ay brokenhearted na. O kaya naman, nitong nakaraan lang, nakita kong nasa front shelf ang libro ni Vice Ganda na President Vice. Kung nasa tamang pag-iisip tayo, hindi natin ikokonsiderang bilhin o buklatin man lang ang librong ito --- "Noli Me Tangere!" Hindi pa ba sapat na nakikita na natin siya buong araw sa TV at bibili pa ng libro niya? Maawa naman tayo sa mga sarili natin. Mamamatay tayo bago pa man natin makita ang ating hantungan.

at huli

"Kayo pa rin ang nagbabayad sa mga sinehan at bookstore kung kaya walang kuwenta itong mga pinagsususulat ko."

Nakukuha natin kung anong hinahanap natin. At kung hindi, bakit pa paulit-ulit na hahanapin sa iisang lugar? Sa iisang tao o elemento? Kung isa ka sa mga nanuod ng My Bebe Love nitong MMFF na nagdaan at My Big Bossing (na ilang araw lang daw tinapos) noong 2013 at panandaliang nakatakas sa mapait na katotohanan ng buhay, good for you. Pero tiyak kong isa hanggang dalawang araw na kilig at pag-asa lang ang ibinigay no'n sa'yo. Kung isa ka sa bumili ng "Bakit di ka Crush ng Crush mo" at "President Vice" good for you. At least na-exercise mo ulit kung marunong ka pa bang magbasa. Pero sana, hanapin naman natin sa susunod 'yong mga babasahin at panuoring hindi tayo itatakas sa tunay na mundo kundi tuturuan tayong lumaban at mabuhay sa mapait na katotohanang mayroon dito.

Miyerkules, Hulyo 20, 2016

WORDS ARE STUPID


"WORDS ARE STUPID."

Sabi mo no'ng hapong iyon.
Umiinom tayo ng softdrinks na nasa plastik ng yelo.
Nasa ilalim tayo ng puno. (na di ko alam kung anong uri)
Sinabi kong di kita maunawaan.
Bigla mo kong tinawanan.
Ang ibig mo 'ka mong sabihin,
walang kuwenta ang lahat.
Walang kuwento sa likod ng mga pabalat
ng mga pocket books at komiks.
Walang mga superheroes at magic.
Walang totoo sa mundo kahit ang mga lantad sa mata.
Walang "Walang Hanggan."
Sinabi mo 'yan nang walang pag-aalinlangan.
Di ko alam ang 'yong pinaghuhugutan.
Basta't sinabi mo 'yan,
habang alam kong ang gusto mo talagang sabihin ay
lilipat na kayo ng tinutuluyan.
Di ko alam kung bakit ayaw mo kong diretsuhin.
Kung bakit kailangan mo pa kong daanin
sa isang plastik ng softdrinks.
Gayong handa akong mangakong maghihintay.

"WORDS ARE STUPID"

Alam mong ang isang pangako
ay pumpon din ng mga salita.
Kaya ba bago ka umalis
at 'di na muling lumingon
hinawakan mo ko sa pisngi
at tiningnan sa mata?
Noon ko napagtantong
ang katahimikan talaga'y sumasapat.
Dahil no'n ko rin lang nakuha ang lahat ----
wala ngang kuwenta ang mga salita;
ang mga pabalat sa mga kuwentong-hiwaga.

...at heto tayo sa iisang kama
matapos magkuwentuhan sa harap ng tyaa
muli tayong nagkatabi
magsasalo sa una nating gabi.

Lunes, Hulyo 18, 2016

Ang Huli mong Pag-inom ng Kape

Kagabi
at gaya ng mga nagdaang gabi
muli kitang ipinagtimpla ng kape
sa paborito mong tasa
kulay rosas
walang bangas
simple lang ang disenyo
at syempre’y sinunod ko ang gusto mong timpla.

Ngunit gaya rin ng mga nagdaang gabi
iniwan mong nag-iisa
ang tasa
sa ibabaw ng mesa.
Hinayaan mong tumakas
paitaas
ang mga usok
habang ang mga patak ng kapeng
naiwan sa paligid ng hawakan
ay unti-unting pinagtitipunan ng mga langgam
tanong ko lang
ano ba ang 'di ko alam?

Ginagaya mo ba ang aking ina
nang ikuwento ko sa’yong
mahilig siya sa kapeng nanlamig na?
Gusto niyang mainit sa una,
pero ayaw inumin kung mainit pa
Ano ba’ng hindi ko alam?
Ano pa’ng hindi ko alam?
Ano na ang hindi ko alam?

Kung sabagay
sino nga ba naman
ang gusto ng kape sa gabi?
Lalo’t pagod ka sa byahe’t
gusto nang humimbing?
Gusto ko lang namang gawin natin ang dati,
‘yong mananatili kang gising,
sa mga pasimple kong lambing,
kahit sa kalahati man lang ng ‘yong diwa
nakikinig sa mga kuwento ko’t hinala.
Kung sino’ng pumatay kay ganito
Kung sino’ng ama ni ganyan
Kung sino na ang bagong Batman
Kung ano paborito kong palabas
Ayaw mo na yata ng palabas?
Ayaw mo na ring lumabas?
Dahil ba wala na tayong panglabas?
Sa tono ng pananahimik mo,
Pakiramdam ko, nasa dulo tayo ng isang relasyon
relasyong iisa lang din ang hantungan
teka, ano nga ba ang ating pinag-awayan?
Pagod ka nga siguro.
Pagod ka na nga siguro.


Kagabi
ang huling gabing
nagtagpo ang ating mga labi
di ko na matandaan ang ikalawang huli
di ko rin maunawaan
kung ‘yon ba’y kumpirmasyon,
pagbabadya o rebelasyon.
Basta kagabi
ang huling gabi nating nagtabi.
At kagabi rin
ang huling gabing nagtimpla ako ng kape
o
ang huling gabing may ipagtitimpla pa ako.

Kinaumagahan
papaalis na ang hamog
nadatnan kong
wala na sa dating puwesto
ang tasa.
Nasa bandang sulok na ng mesa.
Ito sana ang umagang
masaya kahit walang almusal
kahit pandesal
na asukal ang palaman.
Masaya dahil ang paborito mong inuman
ay muling nahalikan
Ngunit mas pinasabik ako ng liham
na nakaipit.
hindi nakatupi
hindi rin plantsado
hindi mabango (di tulad ng una mong ibinigay)
parang pinilas sa isang kuwaderno.

Sa huli, ang tasa at ako'y
pareho ang kinahinatnan --- iniwan mong walang laman.


SIR


Pabalik-balik ang isang babae sa hallway ng classroom ng lalaking kanina pa hinahanap-hanap ng kanyang tingin. Hindi alintana kung mangalay sa isang pulgada ng heels na ayon sa paniniwala ng kanilang henerasyon ay nakadaragdag daw ng lakas ng loob at ganda. Ewan kung bakit di niya magawang kumatok. Marahil kinakabahan sa totoong dahilan ng kanyang pagsilip. Marahil 'yon nga ngunit maaaring kasabay na rin no'n ang kaba at hiyang magpaalam sa gurong nagkaklase ng mga oras na iyon. Ang hindi niya alam, kanina pa siya napapansin ng binatang guro. Kaya nang maalibadbaran sa paulit-ulit na pagsilip ng babae at pagngiti ng isang lalake sa loob ng klase, ibinagsak niya ang whiteboard marker at dali-daling binuksan ang pinto.

"Ano ba?! Ba't ba silip ka nang silip?!" walang imik ang estudyanteng maayos ang pagdadala ng uniporme. 

"Sumagot ka! Nakakaabala ka sa klase ko sa totoo lang!" ang kaninang walang imik na estudyante ay tila isa nang dalagang napahiya sa harapan ng isang taong pinakainiiwasan. Tumakbo palayo at di namalayang kasabay ng luha niya ay nalaglag ang isang stationery na mukhang binili pa sa National Book Store o Expressions. Maganda ang pagkakatupi. May hugis pusong nagsisilbing seal upang itago ang isang liham ng paghanga --- o pag-ibig. Pinulot ng guro at bumalik sa loob ng silid.

"Hoy Garcia, akala mo di rin kita nakitang ngiti nang ngiti dyan ah. Puro kayo ganyan! Alam mong nagkaklase ako rito nakukuha ninyo pang magngitian sa pagitan ng pinto! Gusto mo duon ka na lang? Ano?!" dire-diretso ang guro. Larawan siya ng trahedya at paraiso ng pagtuturo.

"Sir, pinsan ko po 'yon." mahina at hiyang-hiyang sagot ng bata. 

"O e ano 'to? Love letter? Ano? Cousin? Cousin-tahan?!" sa kagustuhan niyang ipahiya ang bata, binuksan ang liham na nasusulat sa papel na pula. Natigilan siya. Mukhang siya ang napahiya. Ngayon, siya naman ang biglang kinabahan. At ang kaninang mga pagod na mata ay tila nanlamig. Huminga siya nang malalim. Itinupi ang papel at saka inilagay sa bulsa ng kanyang long sleeve. Nanatiling tahimik ang klase. Nag-aabang sa susunod na sasabihin ng guro.

"Okay class, early dismissal tayo. Punta na kayo sa electives ninyo." muli niyang binalikan ang liham nang masigurong wala nang estudyante. At habang binubuksan, di niya alintana ang mga malalakas na kabog o katok sa kanyang puso. Bahagya siyang napangiti habang umiiling-iling. Kahit na ang bahaging nababasa niya pa lamang ay "Sir."