Miyerkules, Hulyo 20, 2016

WORDS ARE STUPID


"WORDS ARE STUPID."

Sabi mo no'ng hapong iyon.
Umiinom tayo ng softdrinks na nasa plastik ng yelo.
Nasa ilalim tayo ng puno. (na di ko alam kung anong uri)
Sinabi kong di kita maunawaan.
Bigla mo kong tinawanan.
Ang ibig mo 'ka mong sabihin,
walang kuwenta ang lahat.
Walang kuwento sa likod ng mga pabalat
ng mga pocket books at komiks.
Walang mga superheroes at magic.
Walang totoo sa mundo kahit ang mga lantad sa mata.
Walang "Walang Hanggan."
Sinabi mo 'yan nang walang pag-aalinlangan.
Di ko alam ang 'yong pinaghuhugutan.
Basta't sinabi mo 'yan,
habang alam kong ang gusto mo talagang sabihin ay
lilipat na kayo ng tinutuluyan.
Di ko alam kung bakit ayaw mo kong diretsuhin.
Kung bakit kailangan mo pa kong daanin
sa isang plastik ng softdrinks.
Gayong handa akong mangakong maghihintay.

"WORDS ARE STUPID"

Alam mong ang isang pangako
ay pumpon din ng mga salita.
Kaya ba bago ka umalis
at 'di na muling lumingon
hinawakan mo ko sa pisngi
at tiningnan sa mata?
Noon ko napagtantong
ang katahimikan talaga'y sumasapat.
Dahil no'n ko rin lang nakuha ang lahat ----
wala ngang kuwenta ang mga salita;
ang mga pabalat sa mga kuwentong-hiwaga.

...at heto tayo sa iisang kama
matapos magkuwentuhan sa harap ng tyaa
muli tayong nagkatabi
magsasalo sa una nating gabi.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento