Lunes, Hulyo 18, 2016

Ang Huli mong Pag-inom ng Kape

Kagabi
at gaya ng mga nagdaang gabi
muli kitang ipinagtimpla ng kape
sa paborito mong tasa
kulay rosas
walang bangas
simple lang ang disenyo
at syempre’y sinunod ko ang gusto mong timpla.

Ngunit gaya rin ng mga nagdaang gabi
iniwan mong nag-iisa
ang tasa
sa ibabaw ng mesa.
Hinayaan mong tumakas
paitaas
ang mga usok
habang ang mga patak ng kapeng
naiwan sa paligid ng hawakan
ay unti-unting pinagtitipunan ng mga langgam
tanong ko lang
ano ba ang 'di ko alam?

Ginagaya mo ba ang aking ina
nang ikuwento ko sa’yong
mahilig siya sa kapeng nanlamig na?
Gusto niyang mainit sa una,
pero ayaw inumin kung mainit pa
Ano ba’ng hindi ko alam?
Ano pa’ng hindi ko alam?
Ano na ang hindi ko alam?

Kung sabagay
sino nga ba naman
ang gusto ng kape sa gabi?
Lalo’t pagod ka sa byahe’t
gusto nang humimbing?
Gusto ko lang namang gawin natin ang dati,
‘yong mananatili kang gising,
sa mga pasimple kong lambing,
kahit sa kalahati man lang ng ‘yong diwa
nakikinig sa mga kuwento ko’t hinala.
Kung sino’ng pumatay kay ganito
Kung sino’ng ama ni ganyan
Kung sino na ang bagong Batman
Kung ano paborito kong palabas
Ayaw mo na yata ng palabas?
Ayaw mo na ring lumabas?
Dahil ba wala na tayong panglabas?
Sa tono ng pananahimik mo,
Pakiramdam ko, nasa dulo tayo ng isang relasyon
relasyong iisa lang din ang hantungan
teka, ano nga ba ang ating pinag-awayan?
Pagod ka nga siguro.
Pagod ka na nga siguro.


Kagabi
ang huling gabing
nagtagpo ang ating mga labi
di ko na matandaan ang ikalawang huli
di ko rin maunawaan
kung ‘yon ba’y kumpirmasyon,
pagbabadya o rebelasyon.
Basta kagabi
ang huling gabi nating nagtabi.
At kagabi rin
ang huling gabing nagtimpla ako ng kape
o
ang huling gabing may ipagtitimpla pa ako.

Kinaumagahan
papaalis na ang hamog
nadatnan kong
wala na sa dating puwesto
ang tasa.
Nasa bandang sulok na ng mesa.
Ito sana ang umagang
masaya kahit walang almusal
kahit pandesal
na asukal ang palaman.
Masaya dahil ang paborito mong inuman
ay muling nahalikan
Ngunit mas pinasabik ako ng liham
na nakaipit.
hindi nakatupi
hindi rin plantsado
hindi mabango (di tulad ng una mong ibinigay)
parang pinilas sa isang kuwaderno.

Sa huli, ang tasa at ako'y
pareho ang kinahinatnan --- iniwan mong walang laman.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento