Lunes, Hulyo 18, 2016

SIR


Pabalik-balik ang isang babae sa hallway ng classroom ng lalaking kanina pa hinahanap-hanap ng kanyang tingin. Hindi alintana kung mangalay sa isang pulgada ng heels na ayon sa paniniwala ng kanilang henerasyon ay nakadaragdag daw ng lakas ng loob at ganda. Ewan kung bakit di niya magawang kumatok. Marahil kinakabahan sa totoong dahilan ng kanyang pagsilip. Marahil 'yon nga ngunit maaaring kasabay na rin no'n ang kaba at hiyang magpaalam sa gurong nagkaklase ng mga oras na iyon. Ang hindi niya alam, kanina pa siya napapansin ng binatang guro. Kaya nang maalibadbaran sa paulit-ulit na pagsilip ng babae at pagngiti ng isang lalake sa loob ng klase, ibinagsak niya ang whiteboard marker at dali-daling binuksan ang pinto.

"Ano ba?! Ba't ba silip ka nang silip?!" walang imik ang estudyanteng maayos ang pagdadala ng uniporme. 

"Sumagot ka! Nakakaabala ka sa klase ko sa totoo lang!" ang kaninang walang imik na estudyante ay tila isa nang dalagang napahiya sa harapan ng isang taong pinakainiiwasan. Tumakbo palayo at di namalayang kasabay ng luha niya ay nalaglag ang isang stationery na mukhang binili pa sa National Book Store o Expressions. Maganda ang pagkakatupi. May hugis pusong nagsisilbing seal upang itago ang isang liham ng paghanga --- o pag-ibig. Pinulot ng guro at bumalik sa loob ng silid.

"Hoy Garcia, akala mo di rin kita nakitang ngiti nang ngiti dyan ah. Puro kayo ganyan! Alam mong nagkaklase ako rito nakukuha ninyo pang magngitian sa pagitan ng pinto! Gusto mo duon ka na lang? Ano?!" dire-diretso ang guro. Larawan siya ng trahedya at paraiso ng pagtuturo.

"Sir, pinsan ko po 'yon." mahina at hiyang-hiyang sagot ng bata. 

"O e ano 'to? Love letter? Ano? Cousin? Cousin-tahan?!" sa kagustuhan niyang ipahiya ang bata, binuksan ang liham na nasusulat sa papel na pula. Natigilan siya. Mukhang siya ang napahiya. Ngayon, siya naman ang biglang kinabahan. At ang kaninang mga pagod na mata ay tila nanlamig. Huminga siya nang malalim. Itinupi ang papel at saka inilagay sa bulsa ng kanyang long sleeve. Nanatiling tahimik ang klase. Nag-aabang sa susunod na sasabihin ng guro.

"Okay class, early dismissal tayo. Punta na kayo sa electives ninyo." muli niyang binalikan ang liham nang masigurong wala nang estudyante. At habang binubuksan, di niya alintana ang mga malalakas na kabog o katok sa kanyang puso. Bahagya siyang napangiti habang umiiling-iling. Kahit na ang bahaging nababasa niya pa lamang ay "Sir."

7 komento: