Sabado, Nobyembre 18, 2017

TULA: Ang Kuwento ng Isang Barbero




Masusubukan ang talim ng kanyang razor,
ng trim cutter
at gunting
ngayong Linggong
may pila-pilang magpapakalbo.
Masusubukan din ang kalidad
ng kanyang gupit
ang tuwid niyang pag-aahit
at higit sa ano pa man,
ang nakaaaliw niyang mga kuwento
bilang kaisa-isang barbero
sa kanto ng kanilang baryo.

‘Di problema kung mangalay ang paa,
o manlabo ang mga mata.
Ang tanging kaba niya
ay kung wala nang mahugot na istorya
sa tool box o drawer.
Buti sana’y kung tulad ito
ng kanyang mga gunting
na puwedeng hasain
kung pumupurol.
Subalit isang mahabang kuwento
kabaligtaran ng epiko
at di kuwentong barbero
ang kanyang ikabubulol.

Sa isang ‘di malayong pagitan
Ng hinaharap at nakaraan.

Pinunasan niya ang talim ng razor,
ngipin ng suklay
at dalawang talim ng kamay
ng gunting niyang tumabas na
ng bilyong-bilyong buhok.

Umiiral ang isang utopia
(sa paningin ng ginayumang masa)
kung sa’n nagiging nasyon
ng mga inang naghihintay sa anak
Mga amang may supling na yayakap
sa mga bangkay na kinukumutan
ng karatula’t mga babala.





Umugong ang makina ng razor.
Unti-unting inilalantad
sa marahan nitong paglakad
ang anit sa likod ng sintido.


Ang pagtakbo ay panlalaban
Ang pagtangis ay hudyat
at deklasyon ng digmaan.
Kahit pa walang armas.
Kahit pa walang tikas o lakas
Para pumalag
o umilag man lang.

Anong kilos man ang gawin
Iisang wakas ang naghihintay:
Bukas sa isang kanto,
may bangkay na hahandusay.


Itinutugma niya ang bawat kanto
sa hugis ng mukha ng binatilyo.
Uno sa likod at dalawang gilid
At kaunting bawas sa tuktok ng ulo.


Sa pagdating ng midya
kasunod ng sumasagitsit na ambulansya
hindi agad makikilala
ang bungong tinudla ng bala.
Saksi ang namumuong madla
Bata, matanda.
Sa mga buhok na pinagdidikit
ng natutuyong mga dugo
na tinutuyo rin
ng kalsadang sementado.
Habang sariwa sa pagbuhos ang mga luha –
Nagtataka kung bakit sila umaagos.
Mga luhang kung magsasama-sama
ay lulunod sa madilim na eksena.


Masinsin niyang aahitin ang patilya.
Bahagya siyang lalayo-layo.
Tinatantya’t sinusukat
Ang nipis na dapat antabayanan
Ang kapal na dapat pang bawasan.




Makararating ang balita --
walang mahuhuli.
Lalong-lalo sa mga kuro-kuro.
Magtatalo-talo ang mga tao
Kung bakit dapat ang hindi dapat
Kung bakit tama ang hindi tama
Sa mga paningin nila --
Ng ginayumang masa.


Kagaya ng nakagawian
Susuklayin niya patungo sa kanan
Ang buhok na naambunan
Ng tubig mula sa botelyang pangwisik.
“Sa kabilang gilid po, manong!”
Sabi ng binatilyo.
Karaniwan sa tao ang ‘di umimik
Tuwing may alaalang nanunumbalik.

Magkasinglalim ang kanyang paghinga
At kinimkim niyang gunita.
Ang huling paghagod ng kamay
niya mula noo hanggang tuktok.
Pagsuklay niya pakaliwa sa buhok,
o ang huling gupit na inalay niya sa anak.
Bago barilin ng isang parak.
Anak na marami sanang balak.
Sa buhay. Ang mabuhay.


Magle-labor sa kaeeksplika
Ang mga lider ng bansa.
Iluluwal ang mga paliwanag
sa telebisyon at iba pang midya.
Mag-aanak ng mga pagdepensa
para sa mga berdugong
hayok sa tunog ng bala
at amoy ng pulbura.

Bakit mo nga naman ipagkakanulo
Ang sarili mong laman at dugo?


Sa pagpapagpag ng buhok
pagpupupog ng pulbos
at masahe matatapos
ang isang matagumpay na gupit.




Magtatagal ang isyu.
Subalit lilipas. (Ngunit ‘di ang anumang sugat)
Masisibak ang kung sino-sino
para makuntento ang mga tao
kahit papaano (kagaguhan ito)
Ngunit walang mahuhuli,
makukulong,
na kahit sinong pilato.


Tatanggalin ang sipit sa likod ng batok
na nagdirikit sa saping pumoprotekta
sa uniporme ng binatang
kagagaling lang sa eskuwela.
Binatang nakalista ang pangalan
sa mga magtatapos kinabukasan
sa isang mataas na paaralan.

Huwag lang magpapagabi sa daan.
Baka mapagbintangan
at mabasa kinabukasan
ang pangalan sa isang listahan.


Salba



Siya.
Gabing-gabi na nakaharap ka pa rin dyan sa computer. Lagi ka na lang ganyan.

Tumalikod. Nagtalukbong ng kumot. Sinagot siya ng katahimikan. Nagmamasid mula sa kisame ang electric fan.

Siya muli.
Bahala ka.

Nagbuntong hininga. May ibinulong sa sarili't ipinikit ulit ang mga mata.

Siya -- ang lalaking nakaharap sa computer. Iniwan itong bukas. Umupo siya sa kama. Nakatalikod sa babaeng nagkukulong sa loob ng kumot.

Hindi pa ko tapos sa lesson plan. Pasahan na bukas.

Siya. May tinititigan mula sa likod ng puting kumot. Silhouette ng nag-iisang singsing. May katabing lampshade sa lamesita. Pinapayungan ng malamlam nitong ilaw.

Siya muli. Nagpakawala ng mas malalim na paghinga. Umalon ang malambot na tela ng kumot.

Siya. Nakatalikod pa rin. Subalit nakayuko naman ngayon. Hinihimas-himas ang suot na singsing sa kanyang daliri.

Nagpaubaya ang electric fan.
Huminto sa pag-ikot. Nagdilim ang CPU at monitor. May natirang bakas ng liwanag sa bumbilya ng lampshade.

Sila. Sa ilalim ng puting kumot. Lumilikha ng matataas at malalakas na alon.

Maririnig ang mahinhing hagikhik ng babae.

Hindi nai-save ang word document.

IDOL


"Idol!"

Habang nakapila sa blue basket lane ng Savemore dala-dala ang isang box ng Kojic at isang balot ng yakult, narinig ko ang paos na boses ng lalakeng kanina ko pa iniiwasan ang tingin. Alam ko kasing makikilala niya ko. Alas nuwebe na, iniisip ko sanang lumipat ng pila pero puno ang ibang lane. Ayoko kasi sana talagang makausap siya.

****
Karaniwan akong mas matangkad sa mga kaklase ko noon sa elementarya, (maniwala kayo. pero huwag na natin pag-usapan kung anong nangyari sa height ko ngayon.) kaya bihirang-bihira akong ma-bully noon. Sa katunayan, ako pa ang madalas magyaya ng suntukan pagkatapos ng klase. Hinding-hindi ko malilimutan ang maliit na lalaking ito. Mas kayumanggi siya sa akin at hanggang balikat ko lang siya. Maayos siyang manamit. Plantsado ang uniporme at laging may gel ang buhok. Kahit maliit siya, brusko pa rin ang datingan. Kaya hinding-hindi ko siya malimot-limutan, e dahil sa kanya ako nagkamaling maghamon ng suntukan. Nakaaway ko ang tropa niya noon. Noong uso pa ang "abangan kita sa labas ga*o!" na pamantayan ng henerasyon namin ng pagkalalaki at "requirement" para magkaroon ka ng barkada -- kailangan handa ka lagi sa banatan. Kaya nang sumigaw ako ng "hoy, suntukan tayo sa labas!" noon sa pila bago ang Friday Retreat na siyang pabitin sa uwian, itong lalaking ito ang sumagot. At dahil hindi naman sila kalakihan, hindi ako natakot. May code of honor kahit kaming mga basagulero noon na kapag mag-isa lang, bawal pagtulungan. Pride baga. Nagkita kami isang kanto sa labas ng gate para walang umawat na guwardiya pero itong lalaking ito na hanggang balikat ko lang ang unang nakapagpanginig sa tuhod ko. Sinisipa-sipa niya ang bag ko pero wala akong ginawa. Naglakad lang ako palayo. Minumura-mura niya ko pero hinayaan ko lang siya. Walang ginagawa 'yong dalawa niyang kasama. Hindi ako takot duon sa dalawa, handa ang angas kong makipagbugbugan sa kanila. Pero tila nagbigay pugay naman ako sa wala pang limang talampakan na pandak na 'to nang sinabi niyang "Hindi ka naman pala papalag eh. O apir na!" Para akong nabunutan ng tinik. Mula no'n, nalaman kong puwede mo pala talagang maramdaman ang respeto, takot at galit sa iisang tao. Pagkatapos no'n, para akong mangmang na naghangad na sana hindi ko siya maging kaklase sa high school o kung suswertehin, sana hindi siya mag-aral sa high school na papasukan ko. Pero hangal nga akong naghangad ng bagay na 'yon gayong iisa lang naman ang pinakamalapit at pinakamalaking high school na pinapasukan ng mga tagasaamin.

Narinig ko ang boses niya sa pila. Batchmate ko 'to ah ang sabi niya. Hindi ako lumingon. Agad. Tatlo lang naman kami sa counter. Iyong kahera, ako na hiyang-hiya at siya na tinawag akong 'Idol'. Sana nga nag-a-assume lang ako na ako ang tinatawag niya. Pero ako talaga. Saklap.

****
3rd year high school ako nang matuto at maadik sa Dota. Hindi nawawala sa mga kuwento't boka ko ang mga masasayang alaala ko noong nasa ikatlong taon ako ng high school. Bukod sa ito ang una't huling beses kong mapabilang sa star section, dito ko nakilala ang mga kaibigan sa walang hanggan.
Hapon ang simula ng klase pero maaga akong umaalis ng bahay dala ang ipon ko para lang makapagdota. Basagulero noong elementarya, bulakbol noong high school. Dito ko muling nakabakbakan itong pandak na 'to na pinakainiiwas-iwasan ko. Pinagkaiba, sa Dota na kami magpapatayan. Pero sanhi rin ng suntukan ang larong 'yan. Nauso ang tawagang 'Idol' sa mga nagdodota. Dalawa lang ang rason, bobo at magaling sa laro. Natatawag din kaming 'Idol' ng mga kaklase ko noon kahit na bumubuo kami ng tatlong Power Treads para 'ka ko bumilis ang takbo (ang ibig sabihin ko rito, bagito pa kami sa Dota.) Pero Idol ang tawag sa amin kasi may pagka-nerdy raw kami at palaaral dahil nga nasa star section kami. Kinalaunan, naging batak din kami sa pagdodota at nakalaban ang mga naghahari-harian sa comshop na palagi naming tinatambayan. Ngunit kahit sa Dota, ayoko pa rin siyang makaengkuwentro. Hindi ko alam kung naalala niya pa ang "mercy high five" niya sa akin noon. Basta ang alam ko, dala ko pa rin ang respeto, takot at galit ko sa kanya. Siya ang gulo na ayaw kong kasangkutan. Kahit na mas matangkad pa rin ako nang di hamak sa kanya.

****
Nasa kalagitnaan ako ng unang taon ko ng pagtuturo nang kawayan niya ko sa supermarket sa may SM San Mateo. Hindi ko siya agad namukhaan. Nasa isang stall siya ng kainan. Naalala kong kumaway siya sa akin habang nakalabas ang mapuputi at pantay niyang mga ngipin. Hindi naman talaga siya mukhang basagulero o manggagantso. Lalo na noong nakita ko siyang naka-apron at masayang-masaya sa ginagawa niya. Alam at napansin ko 'yon nang matapos kong kumaway at patuloy na naglakad, tumingin akong muli sa mukha niyang walang bahid ng kapaitan sa trabahong pinapasukan niya: kontraktuwal, pansamantala, nakakasaid ng pasensya at sa huli'y walang ipon dahil sa palakad ng napakalaking kumpanyang ginagatasan lang siya ng lakas at kabataan. Pero hindi ko 'yon nakita sa mukha niya. Maaliwalas siyang ngumingiti at nakikipag-usap sa mga customer na para bang kauumpisa pa lang ng araw niya. Mula noon, dalawang bagay na lang ang nararamdaman ko para sa kanya.

"Uy Idol!" sabay abot ng kamao. Sa pagkakataong 'to, hindi niya ko susuntukin. Nakipagsangga siya ng kamao tanda ng pagkilala niya sa kung anumang nabuo naming samahan kahit wala naman talaga kaming napag-usapan sa buong buhay naming pagiging magkakilala lang. Kinumusta niya ako. Tinanong kung anong trabaho. Ang sabi ko titser na. Nakita kong napatingin siya sa sahig. Nag-umpisa siyang tawagin akong Ser. Sabi ko hindi, huwag. Nabanggit ko ring napalipat kami ng bahay dahil nagka-road widening sa Batasan. Natanong ko sa kanya kung bakit siya nalipat dito sa may Savemore Roosevelt gayong malayo ito kumpara sa SM San Mateo. Gano'n daw talaga ang buhay sabi niya, pero bakas pa rin sa kanya ang kasiglahan. Alam ko ito dahil una ko siyang nakita bago niya ko makilala kaya alam kong kanina pa siya patakbo-takbo't pabalik-balik sa blue basket lane nang hindi man lang nalalaglag ang ngiti niya sa mga kaherang halata na sa mukha ang pananakit ng binte.

Nakayuko ako bago niya ako tawagin. Iniiwasan ko pa rin siya hanggang ngayon. Pero hindi dahil sa takot o galit. Iyon ay dahil kung anong suklam at takot ang naramdaman ko sa kanya noon, napalitan 'yon ng mataas kong respeto at matinding hiya ko sa kanya ngayon. Nahihiya. Siguro dahil ayokong isipin niyang nakatataas ako sa kanya dahil lang sa nakatapos ako. Ayokong magdamdam siya't araw-araw niyang pagsisihan ang hindi pagseseryoso sa pag-aaral. Siguro iyon. Pero ang isang sigurado ako, nahihiya ako sa kanya dahil may mga pagkakataong hindi ako makapag-alok o makapag-alay ng ngiting gaya ng sa kanya sa mga taong nakakasama ko sa trabaho at buhay. Na para bang, kahit mas nakakapagod ang ginagawa niya, buo pa rin ang loob at etiketa niya hanggang gabi. Samantalang ako, kung minsan, hindi na nakakausap pag-uwi. Nahihiya, siguro dahil sa kakayahan niyang maging masaya kahit na hindi kalakihan ang sahod na siya namang tindi na dulot ng pagod. Nahihiya, dahil kung ako may natapos, siya may natutunan. Nahihiya, dahil alam kong maipapamukha sa akin ng taglay niyang aliwalas ang kakapalan ng mukha ko. Nahihiya dahil iyong angas niya noon, pinaganda at dinala niya ngayon. Ako, iyong angas noon, bangas na lang ngayon. Nahihiya, na kahit mas matangkad pa rin ako sa kanya, kumikita nang mas malaki, di hamak na mas malaki naman ang puso niya.

Nahihiya, dahil -- bakit hindi?

Lumabas ako ng Savemore. Tumungga ng dalawang Yakult. Hindi niya lang alam, ako talaga ang umiidolo sa kanya.

Biyernes, Hulyo 14, 2017

Si Enzo at ang Nawala Kong Bisekleta





Nasa trayk pa lang ang pisikal kong existence pero ang isip ko, nahahati sa dalawa: Iyong isa, nasa bahay na, iyong isa, naiwan sa bicycle parking ng SM North EDSA. Hindi ko na nadatnan kahit kadena man lang ng bike ko pagdating ko sa mall ng mga walang paglagyan ng pera kahit wala pang sahod. Natuluyan na nga. No'ng una, stand at bell lang ang pinagdiskitahan. Napatawad ko. Sunod naman, 'yong seat post, sinubukang kahuyin. Bigo. Ngayon, 'yong buong bike na pati kadena. Tumaas na yata presyo ng rugby at solvent kaya pinagsumikapan ng mga hayp na 'yon ang bike kong katuwang ko sa pagpasok. Laki ng natitipid ko dahil do'n. Pagkamahal-mahal ng trayk dito sa amin.

Siguro sa sobrang pagod ko, hindi ko na nakuhang magmura kanina kahit sa isip ko lang. Ni ayaw ko na nga sanang i-report o ano. Gusto ko na lang umuwi. Sobra-sobra na kung pati pag-iisip sa mga hayp na 'yon e gagawin ko pa. Pero matapos kong i-report, napadaan ako sa gilid ng KFC na tapat ng traysikelan at nakita ko 'tong batang ito --- si Enzo. Dinaanan ko lang siya no'ng una. Marami naman kasi talagang mga batang nagtitinda ng sampaguita sa may SM. Araw-araw 'yan hanggang gabi. Itong si Enzo ang unang batang kinausap ko sa kanila. Nakauniporme pa kasi siya. May dalang aklat (sa Filipino pa ha) at notebook na may sulat. Ito ang pinakaunang beses kong bibili ng sampaguita. Tinanong ko siya kung magkano. Umupo ako sa tabi niya. Bente raw isa. Ayoko talagang bumili kasi naniniwala akong habang kumikita ang mga ganitong bata sa pagbebenta araw-araw, lalo lang silang itutulak ng mga magulang nila na itinulak naman ng kahirapan sa sitwasyong ganito -- Child Labor. Karaniwang hindi sila nakakapag-aral dahil isinabak na ng magulang sa pagtitinda, pero si Enzo, dumiretso sa mall ng mga mahilig sa sale pagkagaling sa eskuwela. Alas dose raw ang tapos ng klase niya. Pagkatapos no'n, uuwi siya sa bahay nila para kumuha ng sampaguita na ginagawa ng ina. Inang 'yan. Tinanong ko kung kumikita naman ba sila. Oo raw. Pambaon araw-araw. Nasaan si papa mo? Tanong ko. Nag-aayos at naglilinis daw ng bahay nila dahil lubog na sa baha. Sa may ilalim pala sila ng tulay nakatira. Doon sa tulay ng Congressional Road malapit sa SNR, na grocery naman ng mga mahilig sa imported. Hindi ko na naitanong kung bakit siya nagbabasa at nagbubuklat ng notebook niya. Ni hindi ko nga rin alam kung maniniwala akong sulat niya iyong nasa ilang pahina. Bolpen kasi ang gamit. Ayoko na ring maging mapanuri at husgahan kung panibagong modus ba ito ng mga vendors at mga sindikato para mas makabenta ang mga bata nila. Ayoko na ring isipin pa kung totoo ang lahat ng napag-usapan namin. Isa lang ang gusto kong paniwalaan, lumalaban si Enzo para sa sarili niya. Lumalaban siya para hindi dumating ang araw na kailanganin niyang magnakaw ng bisikleta ng kung sino para may ipangtustos sa pangangailangan niya at ng kanyang pamilya.

Tinanong ko siya kung hanggang anong oras siya nagbebenta ng sampaguita. Alas dose raw ng hatinggabi siya lagi umuuwi. Umalis na ko pagkaabot niya ng tinda niya. Nahihiya na ko dahil may mga tumitingin na sa amin. Pero hinatak ako pabalik ng kung ano, no'ng medyo makalayo ako. Gusto ko siyang kuhaan ng litrato. Ipo-post ko sa FB hindi para sa likes, kasi gaya ng sabi ko sa kanya, inspirasyon siya ng mga makakakita sa pagsisikap niya. Sabi ko bago ulit magpaalam, huwag siyang titigil sa pag-aaral. Huwag na huwag. Hindi ko ipinaliwanag kung bakit. Sigurado akong alam naman niya. May nakita akong munting kislap sa mga mata niya nang sabihin kong titser ako. Sana lang alam ng mga guro niya kung anong sitwasyon ang mayroon siya. At sana, mabasa ito ng mga estudyante ko lalo na ng mga napagalitan ko noong nakaraan. Mga batang takot sa pagsubok. Sa mga hamon ng pagbabago. Mga batang inilalapit ko kay Basilio at Isagani ng El Fili. Sana mapagtanto nila, kung titingnan nila sa mas malawak na lente ang mundo, na napakapalad nila sa buhay. Na kung itutuon nila ang sarili sa mga mas mahalagang at makabuluhang mga bagay, matulungan nila balang araw ang mga tulad ni Enzo. Malay natin, baka isa pa sa mga tulad ni Enzo ang makadiskubre ng parallel na uniberso. At makagamot sa kanser ng lipunang ito.

Higit sa lahat, para hindi na ako manakawan ulit ng bike.


*Nawalan ako ng bike, pero nakatagpo naman ako ng panibagong dahilan para pumasok at magturo araw-araw.* Ows?