Miyerkules, Agosto 31, 2016

Ang Lulang Hiwaga ng Ulan


May mahiwagang hatid na kalungkutan at saya ang ulan. Kung minsan, pasahero ang lungkot. minsan, tagapagmaneho ang saya.
Ngunit wala itong mahika
sa mga taong tingin dito'y makina
na nagpapahinto sa pag-usad ng mga kotse
o nagpapasuspinde ng mga klase.

Samantalang mahiwaga ang ulan sa taong hangad mapag-isa. Magnilay
at mabuhay
sa pansamantalang mundo kung sa'n libre ang magkamali.
Malaya sa panghuhusga.
Malaya sa sakit at hapding dulot ng mga bagay
 na di nanatili.
Damdaming masakit at masaya.
O kombinasyon ng dalawa.
Alaala.
Ng iniibig.
Ng dating inibig --- lahat ito’y pansamantalang hinuhugasan
Habang lulan tayo sa paghahatid ng ulan
palayo sa karimlan.
Mula sa mga unang patak ng ambon,
talsik ng angge,
at kalampag ng limpak-limpak na tipak ng ulan sa bubongan --- lahat ng ito’y may lulan ding damdamin patungo sa lupa.
(ngunit may ilang sadyang di maalis-alis, kailangang mais-is.)
tinatangay ang karamihan kundi man ang lahat sa anyo ng baha
(ngunit tandaang hindi naglalaho ang lahat na parang bula)

Ibig bang sabihin nito'y duwag ang umaasang
karwahe ng pagtakas ang ulan
sa gitna ng init ng mundo at alinsangan?

Hindi.

Dahil ang ulan ay di lang likha para sa taong pagod
dulot ng lamig
at alimuom ng katotohanan.
Ng lamig at ginaw nitong tangan.

Ang ulan ay panahon din
ng pagpapatuyo. (hindi ng paglayo)
Ng luha.
Ng sugat.
Panahon ng pag-usad.
Pagsalubong sa bahagharing matingkad ng bukas.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento