Huwebes, Agosto 4, 2016

ANG NAG-E-EMPAKE






Pasensya na sa biglaang pagluha
at pagkakayugyog ng mga paniwala.
Naalala mo naman siguro ang pauna kong babala?

"Ipinanganak ako sa kanlungan ng imahinasyon.
Pinaglihi sa hapdi ng noon.
Hindi ako totoo.
Ang unga ko ay patlang
Wala akong unang hakbang
Ang kuna ko ay kawalan
Ilaw ko ang madamot na buwan.

Hinele ako ng mga hungkag na braso
Nilimliman ng mga walang kulay na anino ---- hindi ako totoong tao.
Alikabok sa walang hanggang uniberso.
at ang tanging pinaniwalaan ko
nang minsang ipagkatiwala ang puso

walang umiinom sa may lamat na baso.

Pero di ka nakinig.
Mapilit ang 'yong mga titig.

Sinundo ako ng matiyaga mong pag-ibig.


Ba't mo ako pinupunan?
Hindi mo ako kilala --- hindi mo ako malalagyan.

Pero patuloy mo kong


Hinehele ng mainit mong yakap
Nililimliman ng lantad mong balat.

Ngunit bago pa man maisara
ang maletang may bakante pa
Ikinalat mo ang mga damit sa lapag
at dinala ko sa harap ng hapag

"lahat tayo'y alikabok sa uniberso" sabi mo.
"Sadyang di ko pinakinggan ang 'yong babala.
Sino pa nga bang iibig sa imahinasyon
kundi ang isa ring takas na bula."


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento