Kasabay ng pag-unlad ng Pokemon, na noong una'y anime lang hanggang sa naging laro, ang pag-unlad at pagtanda ko bilang isang indibidwal.
Nasa elementarya ako nang mag-umpisa akong maadik sa Pokemon. Dahil yata 'yon sa Trading Card Game na iniuwi ni Papa galing sa anak ng amo niya. Original ang lahat at mukhang mamahalin. Mayroong tatlong deck: Fire, Water at Lightning Deck. Bukod dito, lagi ko pa ring pinapanood sa GMA 7 'yong serye ng Pokemon na paulit-ulit lang naman. Pero dahil paborito ko nga ito kasabay ng Doraemon, Dragonball at iba pang mga pioneer animes sa mga channels no'n, inaabangan ko pa rin.
Abangers talaga ko ng Pokemon. At mas lalo akong nahumaling sa mga kakaibang hayup na 'to pagsampa ko sa high school. 1st year, hindi pa uso ang de-kableng internet, nang dahil sa dial-up connection, ay naitawid ang hilig ko sa pokemon. Ang unang-unang Digital Pokemon Game na nalaro ko ay 'yong Pokemon Crater. Dito, gagawa ka rin ng sarili mong account at avatar. Digital pero hindi gumagalaw ang mga Pokemon dito. Mga larawan lang din. Pero mas "real" kaysa sa card game na di ko rin naman naintindihang laruin bukod sa ginawa naming teks ito at display sa kwarto. Mas kakaiba at "high tech" ang Pokemon Crater sa akin noon dahil pwede kang makipag-trade at makipaglaban sa kaibigan. May iba't iba pang klasipikasyon ang mga pokemon bukod sa elemental na klasipikasyon. Mayroong shiny, na ibig sabihin mas mahaba ang karaniwang HP ng pokemon kaysa sa normal na pokemon. Mayroong metallic, na mas makunat naman. Mayroong dark na mas malakas ang damage. Mayroong ghostly (na pinakagusto ko sa lahat) na klasipikasyon ng mga pokemon na hindi basta-basta tinatablan ng mga normal attacks. Mas madaling pa-level-in ito. At napakarami pang iba. Pero gaya ng ilang mga kinahiligan ko, natutunan ko ring pagsawaan ang Pokemon Crater. Nakulangan o di na yata ako kuntento sa gano'ng laro lang. Gusto kong makitang gumagalaw ang mga cute na hayup na ito.
2nd year high school, dahil sa paulit-ulit na pagpapa-reformat ng PC sa kakilala naming installer, natuklasan kong may Pokemon Game pala na mas maganda sa Pokemon Crater. Iyon pala, sa gameboy lang 'yon malalaro. Pero nang dahil sa emulator (na in-install ng tagaayos ng PC namin) nalaro ko ang Pokemon Sapphire Version na nasundan pa nang nasundan ng iba't ibang hacked roms na ginagawa lang din ng ibang fan. Di lang 'yon, sinuportahan din ako ng Nanay ko sa adiksyon ko sa Pokemon. Binilhan niya ko ng DVD ng mga Pokemon Movies at mga bagong pogs na hindi pa natatanggal sa karton para gawin kong poster. Masayang-masaya makatapos ng isang game kahit sobrang haba at nakakapagod din. Pero sa gano'ng paraan, kahit paano natustusan nito ang pantasya kong maging Pokemon Trainer kung magiging totoo man ang lahat.
3rd year, pakiramdam ko bigla akong tumanda. Natuto akong magdota kaya unti-unti ko na ring nalimutan ang Pokemon. Paminsan-minsan, sumisilip ako sa mga forums ng Pokecommunity. Pero unti-unti akong nagsawa o parang naumay na rin nang nadagdagan ang generation ng Pokemon. 1st-3rd gen. lang kasi ang pinakanasubaybayan ko. Ang mga starters ay sina: Charmander, Squirtle, Bulbasaur; Cyndaquil, Totodile, Bayleaf at; Torchic, Mudkip, Treeko. Iyong mga sumunod di ko na masyadong kilala. Di ko na trip ang itsura o siguro, tumanda ako bigla. Pero bahagi pa rin ng buhay 3rd year ko ang Pokemon dahil nagkaroon kami ng "clan" sa dota na ang pangalan ay T.R o Team Rocket --- ang mga kontrabidang laging tumatalsik pataas bago matapos ang isang episode.
4th year, tuluyan kong nalimutan ang Pokemon. Hiatus ko ito kumbaga sa manga. Pero no'ng mga huling taon ko sa kolehiyo, binalikan ko ang paglalaro. Sa pagkakataong 'to, sa android phone na ko naglalaro gamit pa rin ang GBA Emulator. Palagi akong may dalang charger dahil matagal laruin ang isang bersyon ng game. Kung di mo titigilan, aabutin ka ng 3-4 na araw. Pero kung hinay-hinay at nagpapahinga, mabilis na ang isang linggo. Pinakagusto ko 'yong Pokemon Light Platinum. Doon kasi, nakalaban ko ang karakter ni Ash Ketchum at nagkaroon ng pagkakataong makapili ng mga starter pokemon mula 1st hanggang 5th generation. Pangalawa 'yong Pokemon Ashgray. Hacked Rom ito at gawa lang ng isang fan. Ibinatay niya ang gameplay sa mismong kuwento ng Pokemon na napapanood sa T.V. Hindi tapos ang mismong game kaya tinigilan ko rin bago pa ko tuluyang madismaya.
Ngayon, lumabas ang Pokemon Go ilang linggo pa lang ang nakalilipas. Isa ako sa milyon-milyong naglalaro nito sa Pilipinas. Kaya siguro naapektuhan din ako kahit papaano sa mga nababasa kong "Kinain na ng Pokemon Go!" (na totoo naman! hihi) dahil malaking bahagi ng pagkatao ko ang Pokemon. Mapa-anime man o laro. Sa Pokemon ko natutunan ang konsepto ng "Mutualism" na hindi ko natutunan sa teacher ko sa Science no'ng 1st year at 2nd year high school ako. Mag-e-evolve lang kasi si Slowpoke kapag kinagat ni Shellder ang buntot niya kaya magiging Slowbro siya. Mutualism, kasi si Shellder ay makakapaglakbay samantalang si Slowpoke ay makakapaglakad gamit ang dalawa niyang paa sa katauhan ng evolved form na Slowbro (batay ito sa paliwanag ni Brock.) At marami pang sentimyento sa buhay. Natutunan kong maraming uri ng relasyon ang posible para maging ganap na tao ang isang tao. Natutunan kong mas marami kang matutunan sa paglalakbay kaysa sa mismong destinasyon. At higit sa lahat, natuto akong maging bata kapag kailangan. Kaya ngayong guro na ako, hindi ako nahihiyang sabihin sa mga estudyante kong naglalaro ako ng Pokemon Go. May karapatan siguro akong sabihing alam ko ang larong ito. May karapatan siguro akong muling "mabaliw" at balikan ang minsang naging pangarap ko --- ang maging Pokemon Trainer at maglakbay kasama ang mga kaibigan. May karapatan din siguro akong bumalikwas sa sinasabi nilang "Kinain na ng Pokemon Go." Hindi naman siguro ako kinain ng larong ito, sadyang naging bahagi lang ako ng mundong payapa't ang tanging problema'y pagpapalaki lamang ng pokemon at pagpapaunlad bilang isang indibidwal kasama ang mga kaibigang tao at hayop/pokemon bago pa maimbento ang mismong laro. At kapag nagkaroon ako ng pamilya't hayaan ako ni misis na pangalanan ang panganay namin alinsunod sa mga hilig at paborito ko, ganito ang mga magiging eksena sa bahay:
"Bulbasaur! Tapos mo na ba assignment mo?!"
"Bulbasaur, bumili ka ng suka!"
"Bulbasaur, matulog ka na!"
Nga pala, si Bulbasaur ang pinakapaborito kong pokemon na di ko pinipili bilang starter.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento