“Jepoy?! Ikaw ba ‘yan?!”
Napahinto siya habang isinasalansan ang mga diapers sa Baby’s Section ng grocery na pinagtatrabahuan niya. Pamilyar sa kanya ang boses at pagbigkas ng pangalan. Nag-isip muna siya kung lilingon ba, kakausapin ang taong tumawag sa pangalan niyang hindi alam ng marami o magpapanggap na ibang tao, na bingi o magpapanggap na diaper mismo.
“Jepoy! Ikaw nga! Sabi ko na nga ba’t ikaw ‘yan! Kabisado ko likod mo e!”
Napilitan siyang lumingon nang di pa naisasalpak ang huli at hawak na Huggies Snug and Dry Diaper.
“Uy. Ikaw pala? Kum—kumusta?” Pinilit niyang huwag mapatigagal nang makita ang bilugang tiyan ng kausap.
“Heh! Okay naman! First baby namin ng hubby ko!”
Hindi siya nagpahalatang naghahanap ng singsing habang hinihimas-himas ng babae ang kanyang tiyan. Wala sa kaliwang palasingsingan, wala rin sa kanan.
“Ikaw ba? Do’n ka pa rin ba nakatira?”
Hindi siya sumagot. Ibinaling niya ang tingin sa natitirang puwang na paglalagyan niya ng huling Huggies. Isinalansan niya ito at tumayo nang nakatalikod sa kausap. Huminga siya nang malalim. Iyong tahimik ngunit tiniyak niyang malalim ang buwelo.
“Pakakasal ka na dyan?”
“Oo.”
“Congrats.”
Naglakad siya sa pasilyo ng mga diapers palayo sa babaeng kausap. Hindi siya lumingon hanggang makarating sa stock room. Umugong sa loob ng kwarto ang sapilitan niyang pagbubukas ng kinakalawang niyang locker. Muli niyang nasilayan ang dalawang papel mula sa magkaibang Urologists. Dinayal ang mga numero sa cellphone. Nasa bingit naman ng pagkahulog sa kanyang ulunan ang isang kahon ng Huggies Snug and Dry Diaper.